Liwanag at Dilim
ni Emilio Jacinto
Ang Ningning At Ang Liwanag
Ang ningning ay nakasisilaw at nakasisira ng paningin.
Ang liwanag ay kinakailangan ng mata, upang mapagwari ang buong katunayan ng mga bagay-bagay.
Ang bubog kung tinatamaan ng nag-aapoy na sikat ng araw ay nagniningning; ngunit sumusugat sa kamay ng nagaganyak na dumampot.
Ang ningning ay maraya.
Ating hanapin ang liwanag, tayo’y huwag mabighani sa ningning. Sa katunayan ng masamang naugalian: Nagdaraan ang isang karwaheng maningning na hinihila ng kabayong matulin. Tayo’y magpupugay at ang isasaloob ay mahal na tao ang nakalulan. Datapwat marahil naman ay isang magnanakaw; marahil sa ilalim ng kanyang ipinatatanghal na kamahalan at mga hiyas na tinataglay ay natatago ang isang pusong sukaban.
Nagdaraan ang isang maralita na nagkakanghihirap sa pinapasan? Tayo’y mapapangiti at isasaloob: Saan kaya ninakaw? Datapwa’y maliwanag nating nakikita sa pawis ng kanyang noo at sa hapo ng kanyang katawan na siya’y nabubuhay sa sipag at kapagalang tunay.
Ay! Sa ating pag-uga-ugali ay lubhang nangapit ang pagsamba sa ningning at pagtakwil sa liwanag.
Ito na nga ang dahilang isa pa na kung kaya ang tao at ang mga bayan ay namumuhay sa hinagpis at dalita.
Ito na nga ang dahilan na kung kaya ang mga loob na inaakay ng kapalaluan at ng kasakiman ay nagpupumilit na lumitaw na maningning, lalong lalo na nga ang mga hari at mga Pinuno na pinagkatiwalaan ng sa ikagiginhawa ng kanilang mga kampon, at walang ibang nasa kundi ang mamalagi sa kapangyarihan sukdulang ikainis at ikamatay ng Bayan na nagbigay sa kanila ng kapangyarihang ito.
Tayo’y mapagsampalataya sa ningning; huwag nating pagtakhan na ang ibig mabuhay sa dugo ng ating mga ugat ay magbalatkayo ng maningning.
Ay! Kung ang ating dinudulugan at hinahainan ng puspos na galang ay ang maliwanag at magandang asal at matapat na loob, ang kahit sino ay walang magpapaningning pagkat di natin pahahalagahan, at ang mga isip at akalang ano pa man ay hindi hihiwalay sa maliwanag na banal na landas ng katwiran.
Ang kaliluhan at ang katampalasanan ay humahanap ng ningning upang huwag mapagmalas ng mga matang tumatanghal ang kanilang kapangitan; ngunit ang kagalingan at ang pag-ibig na dalisay ay hubad, mahinhin, at maliwanag na napatatanaw sa paningin.
Ang lumipas na pinapanginoon ng Tagalog ay labis na nagpapatunay ng katotohanan nito.
Mapalad ang araw ng liwanag!
Ay! Ang Anak ng Bayan, ang kapatid ko, ay matututo kaya na kumuhang halimbawa at lakas sa pinagdaanang mga hirap at binatang mga kaapihan?
Repleksyon:
Sa akdang ito, napaisip ako sapagkat ang ningning at ang liwanag naman ay magkapareho ang nais ipabatid. Subalit ito rin ang nagpaliwanag ng malinaw sa aking kaisipan kung ano talaga ang pagkakaiba ng ningning at ng liwanag. Sa aking naunawaan, ang sanaysay na ito ay nagpapaliwanag na hindi lahat ng ningning ay maganda ang naidudulot sapagkat pinatunayan ng akdang ito na ang ningning ay nakasisilaw at madaya samantalang ang liwanag ay nagpapakita ng katotohanan. Ito ay patungkol sa panahon na tayo ay sinakop ng Espanyol na kung saan patuloy na binubulag ang mga Pilipino noon sa kanilang pinaggagawa na hindi makatarungan at mga kasinungalingan na ipinipilit na wala tayong maggagawa kundi sundin ang kanilang kagustuhan. Kaya tulad ko na isang Pilipino kahit kailan hindi ko ipagpapalit ang tunay na liwanag sa ningning sapagkat buong pusong nakipaglaban ang Pilipino noon para sa kalayaan.
Sanggunian
Yray.(2003).Final book sanaysay. https://www.academia.edu/33735483/Final_book_sanaysay?fbclid=IwAR2urzFWCzycZMzcdZ0VkkkJXASoHTBVHy5WncleuQ9g7JgBexucQRIUckg)
No comments:
Post a Comment