Friday, April 29, 2022

SANAYSAY SA PANAHON NG BATAS MILITAR AT BAGONG LIPUNAN

 Ang “Pasakalye at Pasakali” 

ni Virgilio Almario 

Pinupuna ng akda ni Virgilio Almario na “Ilang Pasakalye/Pasakali sa Imbestigasyon” ang pagbabasa ng isang tekstong pampanitikan sang-ayon lamang sa kasaysayan o sa ibang salita ang pagtingin sa panitikan bilang tahas na “salamin ng buhay.”  Sinabi niya na limitado’t arbitraryo ang sapilitang paghubog sa panitikan bilang kakambal o matimyas na kakambal ng kasaysayan ng lipunang Pilipino.  Sa ganitong pananaw, nagiging “anak ng kasaysayan” ang panitikan at lumalabas na isang sangkap na pasibo at sunod-sunuran sa daloy, kislot at ragasa ng kasaysayan.  Nawawalan ang panitikan ng kaakuhan at namamatay sa labas ng anino ng kasaysayan.

Sintomas ng ganitong kalagayan ang nakamihasnang pagtuturing sa mga nobela ni Jose Rizal sa loob ng silid-aralan.  Sa isa sa mga sanaysay ni Soledad S. Reyes sa “Pagbasa ng Panitikan at Kulturang Popular” binanggit niya na sa kasalukuyan, tila bilang mga dokumentong historikal lamang ang mga pagtinging ginagawa sa Noli at Fili.  Hindi nabibigyan ng puwang “ang pagtingin sa mga akda bilang produkto ng isang masalimuot na proseso ng paglikha, na pumapasok ang mga tagapamagitan sa pagitan ng hilaw na karanasang pangkasaysayan at ang mismong mga likhang sining”(79). 

Ano ba ang angkop na ugnayan sa pagitan ng panitikan at kasaysayan?  Sinabi ni Almario na may sariling kasaysayan ang bawat akdang pampanitikan at ang isang panitikan sa kabuuan.  Maaring matalik na kaugnay ng kasaysayang panlipunan at pampolitika ang panitikan o maari rin namang humidwa ito, sumalungat o umiba.  Mahalaga, kung gayon, na bigyang diin ang ugnayan o mga ugnayan ng panitikan at kasaysayan sa halip na laging pagtuunan ang malinaw at simplistikong paghuwad ng isa sa kabila.

Hindi ibig sabihin ni Almario na maaaring putulin ang ugnayan ng panitikan at kasaysayan.  Nabibilang sa iisang daigdig ang panitikan at lipunan sapagkat ang mga ideolohiyang humubog sa kasaysayan ng isang isang lipunan ay ang mga ideolohiya ring gumigising sa panitikan ng lipunang iyon.  Subalit sabi niya, tulad ng pabrika, magkaiba ang makinarya ng lipunan at ng panitikan.  Dahil dito, bagama’t may mga sangkap ang panitikan na mula sa lipunan o katulad ng pagkabuo sa lipunan, may mga bahagi at yugto ng produksiyon sa isang akda o panitikan na iba at hiwalay sa lipunan.  Mula sa katotohanang ito ang kahirapang maging lantay na kaanyo ng lipunan ang panitikan.  Nararapat imbestigahan nang masinsin, kung gayon, ang nagsasariling produksiyon ng panitikan.  Ang layon nitong pag-iimbestiga ay hindi ang ihiwalay ang panitikan sa kasaysayan, manapa’y upang higit na matuklasan ang mga hibla ng relasyon sa pagitan ng dalawa samantalang higit na pinalulusog ang pag-unawa sa salimuot ng gawaing mapanlikha.

        Pormalisasyon o Bagong Pormalismong Pilipino ang ibinabandila ni Almario na nararapat maging problematiko ng panunuring pampanitikan sa Pilipinas.  Isang masigasig na pagbuo ng sistema ng pagpasok at pagsipat sa kasaysayan at katangian ng lipunan ang klase ng pormalisasyon ang ipinanunukala ni Alamario. Habang taglay ang matalik na kaalaman sa kasaysayan at katangian ng lipunan, bubungkalin dito ang panitikan bilang bahagi’t kaugnay ng karanasang panlipunan.  Subali’t ang layunin ay hindi upang patunayan lamang na bahagi’t kaugnay ng lipunan ang panitikan kundi upang isiwalat din ang mga anyo’t salik ng pagiging panitikan nito ng lipunan.  Magsisimula ang lahat sa matiyagang pagtitig sa teksto na binabalanse ng malay na lenteng historikal at makalipunan.  Tutuklasin ang awtentikong kasaysayan at katanginan ng Panitikang Filipino—ang katutubo na hindi lamang ang sinauna’t narito na bago dumating ang impluwensiyang Kanluranin kundi maging iyong anyo’t katangiang gumitaw mula sa kasaysayan at dahil sa engkuwentro ng mga dinatnan at dumating na pwersang pankultura.  Sa gawaing ito, hindi maiiwasang Filipino o anumang wikang katutubo ang gagamitin.  Gayon din naman, kinakailangan ang paglikha ng mga pangngalan at pang-uring iba sa mga kategorya’t pamantayang banyaga.  

Repleksyon:

         Ang akdang ito ni Virgilio Almario ay malalim ang nais ipahiwatig kahit ako hinid ko siya lubos maunawaan subalit ito ay tumatalakay sa panitikan at kasaysayan. Pinupuna na may-akda ang pagbabasa ng isang tesktong pampanitikan na sang-ayon sa kasaysayan. Ngunit, hindi ito ang ibig sabihin ng may-akda na maaaring patulin ang ugnayan ng panitikan at kasaysayan. Alam naman natin, ang panitikan at kasaysayan ay iisa lang ang nais na layunin  tulad ng pagbabalik-tanaw sa nakaraan upang ito'y pag-aralan at mabigyan tayo muli ng bagong kaalaman para sa kasalukuyan. Para sa akin, ang panitikan at kasaysayan ay magkaiba ang kahulugan subalit iisa lang ang hinahangad na layunin na nais ibahagi sa atin at ito ay ang magkaroon tayo ng kaalaman sa nakaraan upang maibahagi din natin para sa kasalukuyan. 

Sanggunian 

Hernando.(2012).Microsoft Word - Paper - Fil 203.doc. https://julesphilip.files.wordpress.com/2012/03/paper-summary-filipino-203.pdf)



No comments:

Post a Comment

MGA HALIMBAWA NG BAWAT URI NG TALUMPATI

TALUMPATING PAMPALIBANG "Pauso" Talumpati ni Leah Enriquez             Sabi ng mga taong may-edad na, ang mga kabataan daw nga...