Friday, April 29, 2022

SANAYSAY SA PANAHON NG KASTILA

  Sa Katungkulan sa Bayan 

ni Padre Modesto de Castro

Felisa: Si Honesto, kung makatapos na nang pag-aaral, matutong bumasa ng sulat, sumulat, cuenta at dumating ang kapanahunang lumagay sa estado, ay di malayo ang siya'y gawing puno sa bayan, kaya minatapat ko sa loob na isulat sa iyo ang kanyang aasalin. Kung siya'y magkakatungkulan, at ang sulat na ito'y ingatan mo at nang may pagkaaninawan kung maging kailagan. Ang mga kamahalan sa bayan, ang kahalimbawa'y korona na di ipinagkakaloob kundi sa may karapatan. Kaya di dapat pagpilitang kamtan kundi tanggihan, kung di mapapurihan; ang kamahalan at karangalan ang dapat humanap ng koronang ipuputong. Ang karangalan, sa karaniwan, ay may kalangkap na mabigat na katungkulan, kaya bago pahikayat ang loob ng tao sa pagnanasa ng karangalan, ay ilingap muna ang mata sa katungkulan, at pagtimbang-timbangin kung makakayanang pasanin. Pag-aakalain ang sariling karunungan, kabaitan at lakas, itimbang sa kabigatan ng katungkulan, at kung sa lahat ng ito'y magkatimbang-timbang, saka pahinuhod ang loob sa pagtanggap ng katungkulan, nguni't hindi rin dapat pagnasaan at pagpilitang kamtan, subali't dapat tanggapin, kung pagkakaisahan ng bayan, at maging kalooban ng Diyos.

Ang magnasang makamit ng kamahalan sa bayan, sa karaniwan ay hindi magandang nasa, sapagka't ang pinagkakadahilanan ay di ang magaling na gayak ng loob na siya'y pakinabangan ng tao, kundi ang siya ang makinabang sa kamahalan; hindi ang pagtitiis ng hirap sa pagtupad ng katungkulan, kundi ang siya'y maginhawahan; hindi ang siya'y pagkaginhawahan ng tao, kundi ang siya'y paginhawahin ng taong kanyang pinagpupunuan.

 Ang masakim sa kamahalan, sa karaniwan ay hindi marunong tumupad ng katungkulan, sapagka't hindi ang katungkulan, kundi ang kamahalan ang pinagsasakiman; salat sa bait, sapagka't kung may iniingat na bait, na makikilala ang kabigatan, ay hindi pagpipilitan kund bagkus tatanggihan, kaya marami ang makikitang pabaya sa bayan, walang hinarap kundi ang sariling kaginhawahan; ang mayaman ay kinakabig, at ang imbi ay iniiring. Kaya, Felisa, ingatan mo si Honesto, pagdating ng kapanahunan, tapunan mo ng magandang aral, nang huwag pumaris sa iba na walang iniisip kundi ang tingalain sa kaibuturan ng kamahalan, suknan, igalang at pintuhuin ng tao sa bayan.

Huwag limutin ni Honesto, na ang karangalan sa mundo, ay para rin ng mundo, na may katapusan; ang fortuna o kapalaran ng tao, ay tulad sa gulong na pipihit-pihit, ang nasa-itaas ngayon, mamaya'y mapapailaliman, ang tinitingala ngayon, bukas ay mayuyurakan, kaya hindi ang dapat tingnan lamang ay ang panahong hinaharap kundi pati ng haharapin. Itanim mo sa kanyang dibdib, ang pagtupad ng katungkulan, na sakali ng tatanggapin niya, sapagka't may pagusulitan, may justicia sa lupa't may justicia sa langit; ang malisan ng justicia rito, ay di makaliligtas sa justicia ng Diyos.

Huwag magpalalo, sapagka't ang puno at pinagpupunuan, di man magkasing-uri, ay isa rin ang pinanggalingan, isa ang pagkakaraanan at isa rin naman ang kauuwian; Diyos ang pinanggalingan, kaya magdaraang lahat sa hukuman ng Diyos at Diyos din naman ang kauuwian.

Huwag magpakita ng kalupitan sa pagnanasang igalang ng tao, sapagka't hindi ang katampalasanan, kundi ang pagtunton sa matuwid, at pagpapakita ng magandang loob, ang iginagalang at minamahal ng tao. Mahal man, at kung malupit, ay di namamahal, kundi kinalulupitan, at pagkatalingid ay pinaglililuhan ng kaniyang pinaglulupitan. Ang kapurihan ng mahal na tao ay nasa pagmamahal sa asal, at pagpapakita ng loob, pamimihag ng puso ng tao; nguni't ang pagmamalaki at pagmamataas, ay tandang pinagkakakilanlan nang kaiklian ng isip, at pinagkakadahilanan ng pagkapoot ng kaniyang kapwa.

Kailan ma'y huwag lilimutin ng puno ang kaniyang katungkulang lumingap sa lahat, mahal man at hindi, sapagka't ang paglingap niya ay laganap sa lahat, ay di lamang siya ang mamahalin ng tao, kundi sampo ng kaniyang familia, at sa panahon ng kagipitan, ay di magpapabaya ang kaniyang pinagpakitaan ng magaling.

Pakatatandaan, na ang isang ginoo, o mahal na marunong tumupad ng katungkulan, tapat na loob sa mga kaibigan, mapag-ampon sa mga mabababa, maaawain sa mahirap, ang ganitong mahal ay ligaya at kapurihan ng bayan, at hari ng lahat ng puso. Sa katagang wika'y ang tunay na kamahalan, ay nasa pagmamahal sa asal, at paggawa ng magaling.

Unti-unti, Felisa, na ipakilala mo kay Honeto ang kahalagahan ng mahal na asal, ng pagtunton sa matuwid at kagandahan ng loob. Itala mo sa kanyang dibdib, na ang baculo, trono, corona ma't cetro ay walang halaga, kung di napapamutihan nitong mahahalagang hiyas. Ipahayag mo kay ama't ina ang kagalangan ko sa kanila. Adyos, Felisa, hanggang sa isang sulat.—Urbana.

Repleksyon:

        Sa akdang ito, ipinaliwanag sa aking kaisipan ang mga gintong aral na hango sa isa sa mga liham ni Urbana sa kanyang kapatid na si Feliza. Sa pamamagitan ng akdang ito, tumataktak sa aking isipan hindi lang sa katungkulan sa bayan dapat tayo maging karapatdapat, kung dumating tayo sa punto na may plano na lumaban sa pulitika o sa kahit anong posisyon, dapat tayo ay maging mabuti at karapatdapat. Ang aral nito para sa akin na tulad ni Honesto na batang may kalinisang-budhi at may karangalan sa sarili ay sisikapin kong maging tulad niya. Kung balang-araw isa man sa atin ay mabigyan ng pagkakataon sa hinaharap na magkaroon ng katungkulan sa bayan ay gawin nating inspirasyon ang batang si Honesto na sumasagisag sa taong karapatdapat sa isang katungkulan sa bayan. 

Sanggunian

Yray.(2003).Finalbo0ksanaysay.https://www.academia.edu/33735483/Final_book_sanaysay?fbclid=IwAR2urzFWCzycZMzcdZ0VkkkJXASoHTBVHy5WncleuQ9g7JgBexucQRIUckg

SANAYSAY SA PANAHON NG PROPAGANDA

 Sobre La Indolencia de los Filipinos

ni Dr. Jose P. Rizal

Buod:

       Ang sanaysay ni Jose Rizal na "Katamaran ng mga Pilipino" (La indolencia de los Filipinos) ay sinulat niya para magbigay tugon sa pagbabansag sa mga Pilipino na tamad. Ang ibig sabihin ng sanaysay na ito sa Ingles, "The Indolence of the Filipinos", ay "little love for work, lack of activities". Ayon kay Rizal, ang pagbabansag na ito ay may katotohanan. Sinabi niya na may mga dahilan at sanhi kung baket masasabi na ang mga Pilipino ay mga tamad.

           Ayon sa kanya, ang pangunahing sanhi ay ang mainit na klima ng Pilipinas. Nahihirapan ang mga Pilipino na gumawa dahil sa init ng araw na tumitinag sa kanilang mga balat. Masasabi na ang katamaran ng mga Pilipino ay dahil na rin sa pagsakop ng Kastila sa Pilipinas. Noong bago pa dumating ang mga Kastila, nakikipagkalakalan na ang mga Pilipino sa Tsina at sa ibang karatig na bansa, nagsasaka, nag-aalaga ng mga manok, naghahabi ng mga tela at damit, at iba pa. Subalit nang dumating ang mga Kastila, pinatamlay niya ang mga kalakalan na ito at nagresulta nang di-pag-usad ng industriya ng Pilipinas at ng mga produktong niluluwas. Salungat noon na nakakapagsaka sila ng malaya, ang mga Pilipino noong panahon ng Kastila ay makakapagsaka lang kapag may pahintulot na ng pamahalaan. At kung magtatanim naman sila, ang kapalit naman ng kanilang produkto ay maliit na halaga lang. Ang mga patakaran ng pamahalaan katulad ng sapilitang paggawa at pagbabawal ng pagkakaroon ng sandata at baril ay naging sanhi din ng katamaran ng mga Pilipino. Dahil sa sapilitang paggawa, hindi nagkaroon ng katiyakan ang kanilang kabuhayan at nang lumaon sila'y naging pabaya. Dahil sa pagbabawal ng pagkakaroon ng sandata at baril, maraming Pilipino ang namatay sa kamay ng mga piratang galing ng Sulu at Mindanaw. Nagbunga ito ng pagbagsak ng industriya at sakahan sa mga lugar na nilusob ng mga pirata at pinabayaan na lang ang mga ito dahil na rin sa walang pera para isaayos at buhayin pa ang mga ito at hindi sila tinutulungan ng pamahalaan noon. Ayon pa kay Rizal, ang mga kasakiman at pagmamalabis ng mga encomendero at gobernador ay nagdulot din ng mga pamatay-sigla upang ang mga Pilipino ay gumawa. Noong panahon ng Kastila, tinitingala ng mga Pilipino ang mga Kastila, na hindi gumagawa ng mabibigat na gawain. Dahil dito, ginagaya nila ito para masabi na sila'y "parang mga Kastila", na maaaring kahulugan ay Panginoon o maginoo. Ang mga Pilipino din noon ay naniwala sa mga kura paroko na nagsasabi na ang mga mayayaman ay hindi pupunta sa langit kapag ito'y namatay na. Natanim sa isip ng mga Pilipino noon na hindi na dapat gumawa upang hindi na yumaman. Isa pang nagpalala sa katamaran ng mga Pilipino ay ang pagsusugal. Umaasa na lang sa swerte ang mga Pilipino noon para lang mabuhay. Ang masamang sistema ng edukasyon noon ay nagdulot din ng mababang pagkilala sa sarili. Ani nga ni Rizal, "buhat sa pagkabata ay wala silang natutunan kundi ang pagkilos na parang makina na hindi nalalaman ang buong kabagayan." Nagkaroon tuloy ng pag-aalinlangan at pagtutunggali ng isip at tungkulin ay naging ugat ng katamaran ng mga Pilipino. Iminulat sa tamad na pamumuhay ng mga monghe noon ang mga Pilipino kaya naging tamad sila. Iniukol nila ang kanilang salapi sa Simbahan upang magkaroon lang ng mga himala sa kanilang buhay. Isa pang nagpalala sa katamaran ng mga Pilipino ay ang di-pagkakaroon ng nasyonalismo dahil na rin pagkait sa karapatan na magtatag ng mga samahan na magbubuklod sana ng mga Pilipino. Tinamad ang mga Pilipino na makipag-usap at makipag-ugnayan sa mga ibang tao sa ibang lugar ng Pilipinas. Isa pang dahilan ay kapag mayroong isang Pilipino na nagtagumpay, hindi na nagaganyak ang iba pang Pilipino na magtagumpay dahil na naiisip naman nila na mayroong nang gagawa ng trabaho para sa kanila.

Repleksyon:

          Ang akdang ito, ipinaramdam sa aking puso't isipan ang naging takbo ng buhay ng mga Pilipino noon na lubos akong naawa na nakikipagsapalaran sa ilalim ng pamumuno ng Espanyol. Sa aking pananaw, hindi likas na tamad ang mga Pilipino sapagkat bago pa nga dumating ang mga Kastila sa ating lupain ang ating mga katutubo ay puspusang nakikipagtransaksyon sa iba't ibang bansa. Kaya lang nasasabi na tamad ang mga Pilipino sa panahon ng Kastila, sapagkat ang lahat ng kanilang paghihirap at pagsisikap na ginagawa ang nakikinabang lamang ay ang mga dayuhang Espanyol. Bukod pa dito,  sa init din ng panahon kaya ang mga Pilipino ay  ay nawalan nang siglang gumawa. Bilang isang Pilipino, kahit ako mawawalan ako ng siglang gumawa kung ganun ang pamamalakad ng mga dayuhang Espanyol. Gaya nga ng sinabi ni Rizal "lalala ang isang sakit kung maling paggamot ang ibibigay". 

Sanggunian 

Lorenzo.(2006).The Indolence of the Filipinos (Works of Rizal). https://daniellorenzo-rizal101.blogspot.com/2006/09/indolence-of-filipinos-works-of-rizal.html?fbclid=IwAR1fSbVnwU0yZT_aprKAbsAPwP-LgYO1LoaDCTeHsmgm9cGZk1tKk8PdE2g

SANAYSAY SA PANAHON NG HIMAGSIKAN

 Liwanag at Dilim

ni Emilio Jacinto

Ang Ningning At Ang Liwanag

Ang ningning ay nakasisilaw at nakasisira ng paningin.

Ang liwanag ay kinakailangan ng mata, upang mapagwari ang buong katunayan ng mga bagay-bagay.

Ang bubog kung tinatamaan ng nag-aapoy na sikat ng araw ay nagniningning; ngunit sumusugat sa kamay ng nagaganyak na dumampot.

Ang ningning ay maraya.

Ating hanapin ang liwanag, tayo’y huwag mabighani sa ningning. Sa katunayan ng masamang naugalian: Nagdaraan ang isang karwaheng maningning na hinihila ng kabayong matulin. Tayo’y magpupugay at ang isasaloob ay mahal na tao ang nakalulan. Datapwat marahil naman ay isang magnanakaw; marahil sa ilalim ng kanyang ipinatatanghal na kamahalan at mga hiyas na tinataglay ay natatago ang isang pusong sukaban.

Nagdaraan ang isang maralita na nagkakanghihirap sa pinapasan? Tayo’y mapapangiti at isasaloob: Saan kaya ninakaw? Datapwa’y maliwanag nating nakikita sa pawis ng kanyang noo at sa hapo ng kanyang katawan na siya’y nabubuhay sa sipag at kapagalang tunay.

Ay! Sa ating pag-uga-ugali ay lubhang nangapit ang pagsamba sa ningning at pagtakwil sa liwanag.

Ito na nga ang dahilang isa pa na kung kaya ang tao at ang mga bayan ay namumuhay sa hinagpis at dalita.

Ito na nga ang dahilan na kung kaya ang mga loob na inaakay ng kapalaluan at ng kasakiman ay nagpupumilit na lumitaw na maningning, lalong lalo na nga ang mga hari at mga Pinuno na pinagkatiwalaan ng sa ikagiginhawa ng kanilang mga kampon, at walang ibang nasa kundi ang mamalagi sa kapangyarihan sukdulang ikainis at ikamatay ng Bayan na nagbigay sa kanila ng kapangyarihang ito.

Tayo’y mapagsampalataya sa ningning; huwag nating pagtakhan na ang ibig mabuhay sa dugo ng ating mga ugat ay magbalatkayo ng maningning.

Ay! Kung ang ating dinudulugan at hinahainan ng puspos na galang ay ang maliwanag at magandang asal at matapat na loob, ang kahit sino ay walang magpapaningning pagkat di natin pahahalagahan, at ang mga isip at akalang ano pa man ay hindi hihiwalay sa maliwanag na banal na landas ng katwiran.

Ang kaliluhan at ang katampalasanan ay humahanap ng ningning upang huwag mapagmalas ng mga matang tumatanghal ang kanilang kapangitan; ngunit ang kagalingan at ang pag-ibig na dalisay ay hubad, mahinhin, at maliwanag na napatatanaw sa paningin.

Ang lumipas na pinapanginoon ng Tagalog ay labis na nagpapatunay ng katotohanan nito.

Mapalad ang araw ng liwanag!

Ay! Ang Anak ng Bayan, ang kapatid ko, ay matututo kaya na kumuhang halimbawa at lakas sa pinagdaanang mga hirap at binatang mga kaapihan?

Repleksyon:

Sa akdang ito, napaisip ako sapagkat ang ningning at ang liwanag naman ay magkapareho ang nais ipabatid. Subalit ito rin ang nagpaliwanag ng malinaw sa aking kaisipan kung ano talaga ang pagkakaiba ng ningning at ng liwanag. Sa aking naunawaan, ang sanaysay na ito ay nagpapaliwanag na hindi lahat ng ningning ay maganda ang naidudulot sapagkat pinatunayan ng akdang ito na ang ningning ay nakasisilaw at madaya samantalang ang liwanag ay nagpapakita ng katotohanan. Ito ay patungkol sa panahon na tayo ay sinakop ng Espanyol na kung saan patuloy na binubulag ang mga Pilipino noon sa kanilang pinaggagawa na hindi makatarungan at mga kasinungalingan na ipinipilit na wala tayong maggagawa kundi sundin ang kanilang kagustuhan. Kaya tulad ko na isang Pilipino kahit kailan hindi ko ipagpapalit ang tunay na liwanag sa ningning sapagkat buong pusong nakipaglaban ang Pilipino noon para sa kalayaan. 

Sanggunian

Yray.(2003).Final book sanaysay. https://www.academia.edu/33735483/Final_book_sanaysay?fbclid=IwAR2urzFWCzycZMzcdZ0VkkkJXASoHTBVHy5WncleuQ9g7JgBexucQRIUckg)


 

SANAYSAY SA PANAHON NG AMERIKANO

 Maling Edukasyon sa Kolehiyo 

ni Jorge Bocobo

        Isa kayang posibilidad na sa halip na maging tunay na edukasyon ang itinuturo sa kolehiyo ay maling edukasyon? Ang sagot ko dito ay “oo.” Isa itong kabalintunaan, subalit hindi maitatatwang katotohanan. Naniniwala tayong lahat sa kahalagahan ng edukasyon sa unibersidad, kung kaya’t tayo ay nag-aaral sa mga unibersidad. Datapwat, katulad ng mga paraan upang mapaunlad ang pamumuhay, magagamit ang edukasyon upang magtayo, maggupo, magturo o manlinlang. Nagkaroon ako ng pagkakataong suriin ang mga kalakaran at kaisipan sa loob ng sampung taon ng paglilingkod sa Unibersidad ng Pilipinas. Karamihan sa mga estudyante ay nakatupad sa inaatas sa kanilang tungkulin sa ilang aspekto ng unibersidad. Subalit malungkot aminin na ang kilos at pag-iisip ng maraming estudyante ay nagbibigay-daan sa pagkabansot ng isipan, sa pagkatuyo ng puso at sa pagkitil sa kaluluwa. Tatalakayin ko ang tatlong paraan ng maling edukasyon na binabayaran ng mga estudyante ng mataas na matrikula at di-mabilang na sakripisyo. Una, nariyan ang di rasyunal na pagsamba sa pahina. “Ano ang sinasabi ng aklat?” ang pinakamahalagang tanong sa isip ng mga estudyante tuwing kakaharapin nila ang mga suliranin na kinakailangangn gamitan ng pangangatwiran. Maraming estudyante ang halos mabaliw sa paghagilap ng impormasyon hanggang sa maging kasintaas ang mga ito ng bundok at ang isip ay madaganan ng datos. Wala nang ginawa ang estudyante kundi ang mag-isip kung papaano dadami ang impormasyong hawak nila; Sa ganoon, nawawala ang kanilang kakayahang mag-isip sa malinaw at makapangyarihang paraan. Nakalulungkot makinig sa kanilang pagtatalo at talakayan Sapagkat dahop sila sa katutubong sigla ng malinaw na pangangatwiran, puno ang kanilang talakayan ng walang kawawaang argumento sa halip ng malusog na pangangatwiran at wastong pag-iisip. Sa gayon, isinusuko ng mga estudyante ang kanilang kakanyahan sa mga aklat na nagbibigay-daan sa pagkawala ng kanilang iwing karapatan -ang mag-isip para sa kanilang sarili. At kung nagtangka silang gumawa ng sariling pasya, ipinakita nila ang kanilang pagiging pedantiko. Mananatiling mapanlinlang ang edukasyon hanggang hindi nalilinang ng mga estudyante ang kakayahan nilang mangatwiran sa isang tama at mapanariling paraan. Ihambing ang mga estudyanteng mahilig sa pagkutingting sa kaalaman ng mga Juan dela Cruz sa baryo. Kakaunti lamang ang nabasa ni Juan dela Cruz; hindi pinapurol ng di natutunaw ng impormasyon ang kanyang iwing talino; tiwalag ang kaniyang isip sa katakut-takot at mabibigat na impormasyong hinakot mula sa aklat. Matalim ang kaniyang pang-unawa, mahusay ang kaniyang pagpapasya, matalino ang kaniyang mga kuro-kuro. Pasaring na wiwiwkain niya sa matalinongt pilosospong: “Lumabis ang karunungan mo?” Pangalawa, ginawang pangunahin at panghuling layunin ng maraming estudyante ang pagiging mahusay at propesyunal. Ipinasya nilang maging mahusay na abogado, mediko, inhinyero at magsasaka. Hindi na ako titigil pa upang usisain kung gaano kabigat na sisi ang ilalatag sa pintuan ng unibersidad dahil sa hindi makatwirang emfasis sa espesyalisasyon. Hindi maitatawang malakas ang kalakarang naturan, subalit hindi man lamang tayo mag-isip upang tingnan ang kabayaran nito. Isa ang ating paniniwala: naniniwala ako na walang kabuluhan ang edukasyon kung hindi nito pinalalawak ang pananaw ng tao, pinalalalim ang kaniyang kakayahang dumamay at pinaghahandog ng gabay tungo sa matalinong pagkukuro at malalim na damdamin. Ngunit, paano natin maaasahan ang ganitong bunga mula sa kondisyong kung saan na nagiging hamak na listahan ng batas ang isang estdyante sa abogasya, isang preskripsyon ang taong magiging manggagamot, isang pormula ang isang inhinyero? Ilan sa mga estudyante natin sa kolehiyo ang nagbabasa ng panitikan? Hindi nga ba natin tinatanong kung hindi tunay na kinikitil ng labis na emfasis sa espesyalisasyon nakaaakantig na pang-unawa sa kagandahan at ang dakilang pagmamahal sa mga maiinam na bagay na taglay ng ating mga estudyante, at maaari nilang pabungahin sa isang makapangyarihang kakayahan? Winika nga ni Keats:”panghabambuhay na kaligayahan ang anumang bagay na puno ng kagandahan.” Subalit batid natin na batay sa panlasa ang kagandahan. Kung hindi natin malilinang ang wastong pagkilala sa mga kagandahan at kadakilaan, mananatiling payak at nakababagot ang ating kapaligiran.

         Maaga tayong gumigising at lumalabas sa umaga subalit winawalangbahala ng ating kaluluwa ang umasa ng katahimikan at ang katamisang hatid ng hamog sa madaling-araw. Ating namamalas ang maraming bituin sa gabi, subalit para lamang silang makintab na bato hindi binibigyan ng lunas ng kanilang maamong liwanag ang ating puso; at hindi natin nararanasan ang nakagugulat at nakaantig ng kaluluwang may paghaang sa dakilang pagkakaisa ng sansinukob. Tinatamaan tayo ng pinilakang liwanag ng buwan subalit hindi natin nararamdaman ang katahimikan sa mga sandaling ito. Minamasdan natin ang mga matataas na bundok subalit hindi tayo naakit sa kanilang tahimik na kapangyarihan. Nakababasa tayo ng walangkamatayang tula subalit hindi tayo maantig sa kanilang tinig, at waring isang pangitaing madaling mawala ang kanilang malalim na kaisipan. Ating sinusuri ang isang estatwa na taglay ang walang lipas na kagandahan ng guhit at iba pang katangian subalit para sa atin ay isa lamang itong kopyang walang halaga. Sabihin ninyo sa akin, iyan ba ang uri ng buhay na dadayuhin sa kolehiyo? Subalit ang labis na espesyalisasyon na hinahabol ng mga estudyante ng buong sigla ay itinakdang magbubunga ng ganitong uri ng buhay na walang damdamin at sing-tuyo-ng-alikabok. Maaari kong sabihin na mahusay ang edukasyon ng naunang salinlahi. Sinasabi ng mga nakatatanda sa atin, at sila ay may katwiran, na hindi nalilinang ng bagong edukasyon ang puso, di tulad ng mga naunang edukasyon. Panghuli, pinalalabo ng ganitong espesyalisasyon na nakapako sa tagumpay sa prospesyon sa hinaharap, ang pananw sa buhay. Nanganganib na maging makitid ang ating pilosopiya sa buhay sapagkat nasanay na tayong mag-isip ng tungkol sa maalwang buhay na materyal. Oo nga’t kailangan nating maging praktikal. Hindi natin lubusang masasagot ang katanungan kung hindi natin lilinangin ang wastong saloobin at paniniwala at nang sa gayon ay maihiwalay natin ang latak sa ginto, ang ipa sa palay ng buhay. Dapat natin isagawa ito hindi pagkaraan ng pagtatapos kung hindi bago magtapos sa unibersidad; sapagkat kung tapos na ang lahat, ang suma at ang kakanyahang edukasyon ay ang pormulasyon ng layunin ng buhay, kalakip ang tanging kasanayan sa isang aspekto ng karunungan upang magkaroon ng katuparan ang layunin ng buhay sa isang mabisang paraan. Subalit paano natin maihahanay ang mga elemento ng ating pilosopiya sa buhay kung lahat ng ating sandali ay iniuukol sa paggawa ng takdang-aralin, sa mga pag-eksperimento sa laboratoryo at kung walang tigil ang ating pagtanggap ng impormasyon. Muli, nararapat magsiupo ang mga estudyante sa paanan ni Juan dela cruz na kakaunti ang pinag-aralan upang matutuhan nila ang tunay na karunungan. Madalas siyang tawaging mangmang, subalit siya ang pinakamarunong sa mga pinakamarunong, sapagkat natuklasan na niya ang kaligayahan ng taong nakababatid ng dahilan kung bakit nabubuhay. Hindi taglay ni Juan dela Cruz ang kanyang kababaang-loob ang adhika at ang ”ambisyon na labis ang taas.” Mapapahiya ang maarte at kumplikadong alituntunin at gawi ng mga edukadong babae at lalaki kung itatabi sa payak at matibay na mga katangian ni Juan dela Cruz. Kulang ang anumang papuri para sa katatagan ng loob ni Juan dela Cruz sa gitna ng kahirapan. Matibay na batayan ng isang buhay na lipunan ang pagmamahal niya sa tahanan, kalakip ang walang balatkayong katapatan. Napatunayan na rin ang kanyang pagmamahal sa bayan. Maaari bang matuto ang ating edukasyon kay Juan dela Cruz o baka naman hindi sila pinagiging karapat-dapat na maging estudyante ni Juan dela Cruz ng ating edukasyon? Sa pagwawakas, napansin ko sa mga estudyante natin ang nakagagambalang babala ng di-wastong edukasyon. Ilan dito ang mga sumusunod: kakulanagn sa sariling pasya ata pagmamahal sa walanglamang pilosopiya, dahil na rin naman sa pagsamba sa pahina at nagmamadaling paghahanap ng mga impormasyon; ang unti-unting pagkitil sa kakayahang maantig na kagandahan at kadakilaan dahil na rin sa espesyalisasyon at ang pagpapabaya sa tungkuling-bigyang katuturan ang pilosopiya sa buhay na bunga ng labis na empasis sa pagsasanay tungo sa pagiging isang propesyunal. 

Repleksyon:

     Nakakalungkot isipin ang pamamaraan ko pala sa pag-aaral ay masasabi kong maling edukasyon, sapagkat nalaman ko sa akdang ito, pinaliwanang na may-akda kung ano ang maling edukasyon sa kolehiyo. Gaya ng pananaliksik na walang patid, pagbabasa ng makakapal na libro at paghahanap sa internet ng makakalap lamang ng maraming impormasyon. Ang kagustuhan lamang ipabatid ng may-akda sa atin sa kung paano tayo magiging mahusay na mag-aaral tulad ng maging matalino tayo sa pagbibigay ng sariling kuro-kuro at bigyan natin ng malalim na damdamin o pang-unawa upang ating kaalaman ay mas mapalawak at mapayaman. Bilang mag-aaral at sa lahat ng kapwa ko mag-aaral, huwag natin hayaang nakadepende ang ating kaalaman sa internet at sa makakapal na libro. Tayo mismo ang magbigay ng pakahulugan sa sariling nating kakayanan at kaalaman. 

Sanggunian

file:///D:/FILES/MALING%20EDUKASYON%20SA%20KOLEHIYO.pdf 

SANAYSAY SA PANAHON NG HAPON

 Filipino Time

ni Felipe Padilla de Leon

Isa sa napakapangit na kinagawian nating mga Pilipino ay ang pagiging lagi nang huli sa takdang oras na pinagkasunduan. Karaniwan nang ang isang palatuntunan ay hindi nasisimulan sa oras na dapat ipangsimula dahil sa wala pa ang panauhing pandangal o kaya'y ang punongabala ng palatuntunan; gayon din, kulang pa rin ang mga tauhang magsisiganap, o kung hindi naman kaya'y wala pa rin ang madlang siyang dapat sumaksi sa palatuntunan kung kaya't naaantala tuloy ang lahat.

          Sa mga tanghalang pangmusika, tulad ng opera, konsiyerto, resital at iba pang kauri ng mga ito, aya isang karaniwan nang pangyayari ang pagiging lagi nang huli ng madlang manonood. Gayon din sa papupulong ng iba't-ibang samahan, kapatiran o kapisanan, kahit na nga ang mga ito'y binubuo pa ng mga taong wika nga'y may sinasabi o pinag-aralan, ay napangawitan na ng marami sa atin ang dumating nang huli sa pinagusapang oras. Ito ang sanhi kung bakit nagging palasak na ang bukambibig na "Filipino time," o Oras Filipino, na ang ibig sabihin ay sira, walang katiyakan pagka't lagi nang atrasado.Tunay na nakatatawang-nakakaawa para sa isang bansang katulad ng sa atin na naghahangad na magkaroon ng isang marangal at mataas na kalagayan sa lipunan ng mga bansang bihasa t malalaya kung maringgan natin ang ating mga kababayan ng gaya ng mga sumusunod na pananality: Hoy, mamayang ika-pito ng gabi, "American time;" "Partner, baka mahuli ka sa takdang oras, hindi Filipino time ang usapan natin;" o kaya'y "Ayoko ng Filipino time, usapang maginoo ito, ha?" at marami pang katulad nito na ang ibig sabihin ay dahop na dahop sa pagkamaginoo at hindo dapat pagkatiwalaan ang isang Pilipino dahil sa siya'y marunong tumupad sa oras na napag-usapan.

           Sa ganitiong pangyayari, na ang oras ng mga Pilipino o "filipino time" ay sira at walang kaganapan, ay maaari rin naming sabihin na ang mga Pilipino pala ay sira na katulad ng ating orasan ay ano naman kaya ang hinaharap ng isang BANSA na ang mga mamamayan ay palagi nang sira at walang katiyakan sa pagtupad napagkasunduan.

Repleksyon:

           Ang akdang ito, ipinaramdam sa akin ang lungkot na tayong mga Pilipino ay na sanay sa ating kinagawian na hindi tayo natupad sa takdang oras na pinagkasunduan. Alam ko at alam nating lahat ang kahalagahan ng bawat oras subalit parang ang hirap gawin na tumapad sa takdang oras na pinag-usapan dahil sa mga kaakibat ng mga dahilan na maraming ginawa.  Subalit, ang ganitong kinagawian ay ating pagsikapan na baguhin sapagkaat wala itong mgandang dulot sa atin bagkus sira ang ating diskarte sa buhay kung palaging ganito ang ating gagawin. Bilang guro sa hinaharap, susubukan at pagsisikapan ko na baguhin ang ganitong kinagawian sa buhay sapagkat gusto ko maging magandang halimbawa sa aking estudyante sa hinaharap. 

Sanggunian

Yray.(2003).Final book Sanaysay. https://www.academia.edu/33735483/Final_book_sanaysay?fbclid=IwAR2urzFWCzycZMzcdZ0VkkkJXASoHTBVHy5WncleuQ9g7JgBexucQRIUckg)

SANAYSAY SA PANAHON NG BATAS MILITAR AT BAGONG LIPUNAN

 Ang “Pasakalye at Pasakali” 

ni Virgilio Almario 

Pinupuna ng akda ni Virgilio Almario na “Ilang Pasakalye/Pasakali sa Imbestigasyon” ang pagbabasa ng isang tekstong pampanitikan sang-ayon lamang sa kasaysayan o sa ibang salita ang pagtingin sa panitikan bilang tahas na “salamin ng buhay.”  Sinabi niya na limitado’t arbitraryo ang sapilitang paghubog sa panitikan bilang kakambal o matimyas na kakambal ng kasaysayan ng lipunang Pilipino.  Sa ganitong pananaw, nagiging “anak ng kasaysayan” ang panitikan at lumalabas na isang sangkap na pasibo at sunod-sunuran sa daloy, kislot at ragasa ng kasaysayan.  Nawawalan ang panitikan ng kaakuhan at namamatay sa labas ng anino ng kasaysayan.

Sintomas ng ganitong kalagayan ang nakamihasnang pagtuturing sa mga nobela ni Jose Rizal sa loob ng silid-aralan.  Sa isa sa mga sanaysay ni Soledad S. Reyes sa “Pagbasa ng Panitikan at Kulturang Popular” binanggit niya na sa kasalukuyan, tila bilang mga dokumentong historikal lamang ang mga pagtinging ginagawa sa Noli at Fili.  Hindi nabibigyan ng puwang “ang pagtingin sa mga akda bilang produkto ng isang masalimuot na proseso ng paglikha, na pumapasok ang mga tagapamagitan sa pagitan ng hilaw na karanasang pangkasaysayan at ang mismong mga likhang sining”(79). 

Ano ba ang angkop na ugnayan sa pagitan ng panitikan at kasaysayan?  Sinabi ni Almario na may sariling kasaysayan ang bawat akdang pampanitikan at ang isang panitikan sa kabuuan.  Maaring matalik na kaugnay ng kasaysayang panlipunan at pampolitika ang panitikan o maari rin namang humidwa ito, sumalungat o umiba.  Mahalaga, kung gayon, na bigyang diin ang ugnayan o mga ugnayan ng panitikan at kasaysayan sa halip na laging pagtuunan ang malinaw at simplistikong paghuwad ng isa sa kabila.

Hindi ibig sabihin ni Almario na maaaring putulin ang ugnayan ng panitikan at kasaysayan.  Nabibilang sa iisang daigdig ang panitikan at lipunan sapagkat ang mga ideolohiyang humubog sa kasaysayan ng isang isang lipunan ay ang mga ideolohiya ring gumigising sa panitikan ng lipunang iyon.  Subalit sabi niya, tulad ng pabrika, magkaiba ang makinarya ng lipunan at ng panitikan.  Dahil dito, bagama’t may mga sangkap ang panitikan na mula sa lipunan o katulad ng pagkabuo sa lipunan, may mga bahagi at yugto ng produksiyon sa isang akda o panitikan na iba at hiwalay sa lipunan.  Mula sa katotohanang ito ang kahirapang maging lantay na kaanyo ng lipunan ang panitikan.  Nararapat imbestigahan nang masinsin, kung gayon, ang nagsasariling produksiyon ng panitikan.  Ang layon nitong pag-iimbestiga ay hindi ang ihiwalay ang panitikan sa kasaysayan, manapa’y upang higit na matuklasan ang mga hibla ng relasyon sa pagitan ng dalawa samantalang higit na pinalulusog ang pag-unawa sa salimuot ng gawaing mapanlikha.

        Pormalisasyon o Bagong Pormalismong Pilipino ang ibinabandila ni Almario na nararapat maging problematiko ng panunuring pampanitikan sa Pilipinas.  Isang masigasig na pagbuo ng sistema ng pagpasok at pagsipat sa kasaysayan at katangian ng lipunan ang klase ng pormalisasyon ang ipinanunukala ni Alamario. Habang taglay ang matalik na kaalaman sa kasaysayan at katangian ng lipunan, bubungkalin dito ang panitikan bilang bahagi’t kaugnay ng karanasang panlipunan.  Subali’t ang layunin ay hindi upang patunayan lamang na bahagi’t kaugnay ng lipunan ang panitikan kundi upang isiwalat din ang mga anyo’t salik ng pagiging panitikan nito ng lipunan.  Magsisimula ang lahat sa matiyagang pagtitig sa teksto na binabalanse ng malay na lenteng historikal at makalipunan.  Tutuklasin ang awtentikong kasaysayan at katanginan ng Panitikang Filipino—ang katutubo na hindi lamang ang sinauna’t narito na bago dumating ang impluwensiyang Kanluranin kundi maging iyong anyo’t katangiang gumitaw mula sa kasaysayan at dahil sa engkuwentro ng mga dinatnan at dumating na pwersang pankultura.  Sa gawaing ito, hindi maiiwasang Filipino o anumang wikang katutubo ang gagamitin.  Gayon din naman, kinakailangan ang paglikha ng mga pangngalan at pang-uring iba sa mga kategorya’t pamantayang banyaga.  

Repleksyon:

         Ang akdang ito ni Virgilio Almario ay malalim ang nais ipahiwatig kahit ako hinid ko siya lubos maunawaan subalit ito ay tumatalakay sa panitikan at kasaysayan. Pinupuna na may-akda ang pagbabasa ng isang tesktong pampanitikan na sang-ayon sa kasaysayan. Ngunit, hindi ito ang ibig sabihin ng may-akda na maaaring patulin ang ugnayan ng panitikan at kasaysayan. Alam naman natin, ang panitikan at kasaysayan ay iisa lang ang nais na layunin  tulad ng pagbabalik-tanaw sa nakaraan upang ito'y pag-aralan at mabigyan tayo muli ng bagong kaalaman para sa kasalukuyan. Para sa akin, ang panitikan at kasaysayan ay magkaiba ang kahulugan subalit iisa lang ang hinahangad na layunin na nais ibahagi sa atin at ito ay ang magkaroon tayo ng kaalaman sa nakaraan upang maibahagi din natin para sa kasalukuyan. 

Sanggunian 

Hernando.(2012).Microsoft Word - Paper - Fil 203.doc. https://julesphilip.files.wordpress.com/2012/03/paper-summary-filipino-203.pdf)



SANAYSAY SA PANAHON NG LAKAS BAYAN HANGGANG SA KASALUKUYAN

 Bukas Na Liham

ni Jocelyn M. David

Febuary 25, 1986

Juan dela Cruz Junior,

      Marami nang buwan kitang pinagmamasdan....at ‘yan ay hindi lingid sa inyo. Sa katunayan, hindi miminsang nagkaroon tayo ng pagtatalo tungkol sa mga bagay na ipinaglalaban.

            Ngayon ako naniniwala na ang lahat ng bagay ay napagbabago ng panahon. Ang buko ay hindi mananatiling buko habang panahon sapagkat kailangan nitong mamulaklak at mamunga para sa pag-usbong. Ang buto ay ‘di mananatiling buto sapagkat kailangan nitong lumago para sa panibagong pagtubo. At ngayon nga, katulad ka na rin ng mga ito, hindi ka rin nanatili sa pagiging musmos. Ibang-iba ka na anak, ah...marahil hindi na ikaw ang dati-rating sanggol na aking ipinaghehele upang makatulog. Hindi na nga ikaw ang sanggol na ‘yon sapagkat ngayon...ni saglit ay ‘di mo na hinahayaang ipinid ng sinuman ang iyong mga mata. Kahit ano pang paghehele ang gawin ko sa ‘yo, ayaw mo nang makatulog pang muli...lagi kang gising at higit sa lahat, mulat na ang mata mo sa tunay na kahulugan na KATOTOHANAN.

            Anak, ikaw pa rin ba ang dati-rating sanggol na tuwang-tuwang  sasalubong sa akin  kapag dinadalhan ko ng laruan? Ah...hindi na! Hindi na dapat sa’yo ang laruan ‘pagkat hindi ka na marunong maglaro. Aanhin mo pa ba ang laruan ngayon, gayong alam mo na ang tunay na kahulugan ng KATARUNGAN.

          Hindi na rin marahil ikaw ang dati-rating sanggol na ipinagtitimpla ng gatas pagkat ngayon hindi mo na gusto ang lasa nito. Iba na ang hinahanap mo ngayon, anak...iba na ang iyong panlasa ang kinauuhawan mo ngayon.... bagkus ay KALAYAAN.

            Tama ba ‘ko, anak? Hindi mo na maaaring ikaila sa akin. Nakikita kita...laman ng mga rallies, campus strikes, boycott, at mga demonstrations. Minsan sumisigaw ka na sa entablado at pinangungunahan ang mga kapwa mo rin nasa kasiulan. Mabalasik ka na palang mangusao ngayon! Puno ng paghihimagsik ang bawat salitang iyong binibitawan. May diin na ang pananalita  mo ngayon, anak. Wala na akong mabakas ni munting pagkatakot mula sa mga pananalita mo. Akala ko pa noon, project n’yo sa eskwelahan ‘yung pinagpupuyatan mo sa gabi, ‘yun pala, placards na ibinabandila mo sa tuwing sasama ka sa mga rallies.

          Magkahalong galit at panghihinayang ang nararamdaman ko para sa ‘yo, anak. Halos igapang kita sa hirap, mapaaral lang kita, ‘yun pala, puro rallies ang pinagkakaabalahan mo. Minsan kitang tinangkang pigilan noon....pagsabihan...pangaralan. Akala ko, ikaw pa rin ang dati-rating Juan de la Cruz na kapag kinagagalitan ko ay umuupo na lamang sa isang tabi at tatango sa bawat pangaral na aking isinusubo. Ngunit nabigo ako, nalimutan ko hindi ka nap ala batang paslit. Sinasabi mo na ngayon ang nasasaloob mo. Ipinaglalaban mo na ang alam mong tama. Isinisigaw mo na ang iyong mga karapatan. Alam ko, pagal na ang munti mong katawan sa pakikipaglaban pero hindi ka pa rin sumusuko. At ang sabi mo pa sa ‘kin noon, kamatayan lang ang makapipigil sa iyo. Hanggang kalian ka pa tatagal anak?

        Kaninang umaga, inihanda ko ang almusal mo. Gusto ko kasi, sabay tayong mag-a-almusal pero nagmamadali ka kanina. Matapos mong kunin ang pagkaing inihanda ko para sa’yo, nagpaalam ka na naming pupunta sa Camp Crame katulad kahapon at nagdaan pang mga araw. Camp Crame! Anak, alam ko kung bakit ka pupunta roon...upang maisakatuparan ang manimithi mong KALAYAAN, ‘di ba? Pinipigilan kita ngunit matigas ka! Wala pang limang minute mula nang umalis ka, pinasya kong sundan ka. Takbo, lakad ang ginawa ko. Nang makarating..hinanap kita sa karamihan.

            Nagmasid ako...nagulat sa aking nasaksihan! Pagkat lihis sa aking anaasahan, Masaya at tulung-tulong ang lahat ng tao. May mga tulad ko ring magulang ang nandoon. Punung-puno ng pag-asa ang kanilang mga mukha. Hindi sila halos makaramdam ng pagkapagod at pagkagutom. Hindi rin nila antala ang init na likha ng araw. Inilibot kong muli ang aking paningin, nakita kita..hayun ka at kasama ng mga tulad mong kabataan. Halos maiyak ako nang makita kitang nakaluhod habang taimtim kang nagdarasal. Magkakapit-kamay kayong lahat. Hindi ko alam ko, marami akong naobserbahansa iyo na ni minsan sa buhay ko ay hindi ko namalas sa iyo. Ibang-iba ka na nga, anak. Minsan ko pang narinig ang iyong sigaw..sumisigaw ka! Isang pangalan ang isinisigaw mo! Bawat sigaw ay nanunuot sa kaliit-liitang ugat ng aking laman. Kinilabutan ako ‘pagkat kaiba ang sigaw mo ngayon. Higit na malakas! Higit na mabalasik! Higit na nakapanghihikayat! Nangiligd ang luha ko sa mata nang simulan mong buksan ang pagkaing inihanda ko sa iyo kanina..ipinamahagi mo sa iyong mga kasamahan. Napag-isip-isip ko, hindi pala saying ang lahat ng pagod ko sa iyo mula nang ika’y paslit pa sapagkat pinatutunayan mo ngayon na ikaw ay may pinanghahawakan na isang magandang pundasyon upang maging matatag, matapang ngunit makataong pag-uugali, na iyong magagamit saan magtungo. Bago ako tuluyang umalis, sinulyapan kitang muli at napangiti. Hindi mo alam na nandoon pala ako sa likuran mo at nagmamasid. Oo, anak, ngumiti ako ‘ pagkat alam ko na kaunting panahon na lamang ang ipaghihintay mo...hindi na magtatagal at magtatagumpay ka na.

            At hindi nga ako nagkamali. Nakita kita kanina lang....binilugan mo ng pulang panulat ang petsang ito sa ating kalendaryo. Pebrero 25, 1986...ah nababakas ko sa’yo walang kapantay na kaligayahan.

            Alam ko, napatunayan mong isa kang tunay na Pilipino nitong mga nagdaang araw. At ako? Ako na iyong magulang ang siyang unang pumipigil sa iyo. Bakit? ‘Pagkat magkasalungat an gating panindigan! Sana ay nauunawaan mo ako. Ngayong nagtagumpay ka na, Masaya na rin ako kahit pa iba ang prinsipyo ko sa iyo.

At sana, ngayong nasa kamay na ninyo ang tagumpay, sanay gamitin ninyo ang tinatawag n’yong KALAYAAN na ipinagkaloob sa inyo sa inyo sa mabuting paraan ‘pagkat ‘ya lamang ang maipamamana naming nakatatanda sa inyo. Lagi ninyong iisiping ang kabataan ang pag-asa ng bayan kung kaya naman sana sa bawat hakbang na inyong tatahakin sa darating ang mga araw ay may liwanag nga pupulandit sa inyong daraanan.

         Oo, anak, nasubaybayan kita kung paano mo pinanindigan ang prinsipyo mo. Kung paano mo ipinaglaban ang katuwiran mo at sana nga hindi ka nagkamali sa iyong desisyon...sana ay hindi ka nagkamali sa pagpili ng ipaglalaban mo. Gayunpaman, kung sakali mang mabigo ka, wala ka pa ring dapat pagsisihan, ‘pagkat tayo ay may kanya-kanyang prinsipyo kung kaya’t dapat maggalangan.

         Kagaya nga ng nasabi ko kanina, ang  buko ay ‘di manatiling buko, ang buto ay ‘di mananatiling buto, ang bata ay di mananatiling bata..gaya ng KALAYAAN...maaring hindi ito manatili ngunit kung ating aalagaan ito at hindi aabusuhin...tutubo itong muli para sa iyo, sa akin, sa ating lahat, upang ating magamit na isang sandata sa ating mga balakin ngayon..bukas...at sa dating ng panahon.

Repleksyon:

          Ang gandang ng mendahe ng sanaysay na ito sapagkat na habag niya ang aking puso. Kung hindi mo babasahin ng buo ang akda ay bibigyan mo agad s'ya ng komento. Subalit binasa ko s'ya ng buo kaya lubhang akong natuwa sapagkat napakamakatarungan ang ginawa ng kanyang anak para sa bayan. Ang akdang ito ay tungkol sa anak na lubhang mahal niya nag bayan kaya't lahat ginagawa niya para sa kalayaan, na ang akala naman ng kanyang Ina ay sinisira ng kanyang anak ang buhay niya dahil sa kanyang pinaggagawa. Ngunit, magulang din niya ang nakapagpatunay na maganda at makatarungan ang ginagawa ng kanyang anak. Maraming mapupulot na aral at inspirasyon sa akdang ito para sa mga kabatan na tulad ko. Bilang kabataan, ang magagawa na lang natin ay bigyan natin ng pagpapahalaga ang naging sakripisyo ng mga Pilipino noon para sa kalayaan at maging pag-asa ang kabataan ng bayan.

Sanggunian

Yray. (2003).Final book sanaysay. https://www.academia.edu/33735483/Final_book_sanaysay?fbclid=IwAR2urzFWCzycZMzcdZ0VkkkJXASoHTBVHy5WncleuQ9g7JgBexucQRIUckg)

MGA HALIMBAWA NG BAWAT URI NG TALUMPATI

TALUMPATING PAMPALIBANG "Pauso" Talumpati ni Leah Enriquez             Sabi ng mga taong may-edad na, ang mga kabataan daw nga...