Friday, April 29, 2022

SANAYSAY SA PANAHON NG LAKAS BAYAN HANGGANG SA KASALUKUYAN

 Bukas Na Liham

ni Jocelyn M. David

Febuary 25, 1986

Juan dela Cruz Junior,

      Marami nang buwan kitang pinagmamasdan....at ‘yan ay hindi lingid sa inyo. Sa katunayan, hindi miminsang nagkaroon tayo ng pagtatalo tungkol sa mga bagay na ipinaglalaban.

            Ngayon ako naniniwala na ang lahat ng bagay ay napagbabago ng panahon. Ang buko ay hindi mananatiling buko habang panahon sapagkat kailangan nitong mamulaklak at mamunga para sa pag-usbong. Ang buto ay ‘di mananatiling buto sapagkat kailangan nitong lumago para sa panibagong pagtubo. At ngayon nga, katulad ka na rin ng mga ito, hindi ka rin nanatili sa pagiging musmos. Ibang-iba ka na anak, ah...marahil hindi na ikaw ang dati-rating sanggol na aking ipinaghehele upang makatulog. Hindi na nga ikaw ang sanggol na ‘yon sapagkat ngayon...ni saglit ay ‘di mo na hinahayaang ipinid ng sinuman ang iyong mga mata. Kahit ano pang paghehele ang gawin ko sa ‘yo, ayaw mo nang makatulog pang muli...lagi kang gising at higit sa lahat, mulat na ang mata mo sa tunay na kahulugan na KATOTOHANAN.

            Anak, ikaw pa rin ba ang dati-rating sanggol na tuwang-tuwang  sasalubong sa akin  kapag dinadalhan ko ng laruan? Ah...hindi na! Hindi na dapat sa’yo ang laruan ‘pagkat hindi ka na marunong maglaro. Aanhin mo pa ba ang laruan ngayon, gayong alam mo na ang tunay na kahulugan ng KATARUNGAN.

          Hindi na rin marahil ikaw ang dati-rating sanggol na ipinagtitimpla ng gatas pagkat ngayon hindi mo na gusto ang lasa nito. Iba na ang hinahanap mo ngayon, anak...iba na ang iyong panlasa ang kinauuhawan mo ngayon.... bagkus ay KALAYAAN.

            Tama ba ‘ko, anak? Hindi mo na maaaring ikaila sa akin. Nakikita kita...laman ng mga rallies, campus strikes, boycott, at mga demonstrations. Minsan sumisigaw ka na sa entablado at pinangungunahan ang mga kapwa mo rin nasa kasiulan. Mabalasik ka na palang mangusao ngayon! Puno ng paghihimagsik ang bawat salitang iyong binibitawan. May diin na ang pananalita  mo ngayon, anak. Wala na akong mabakas ni munting pagkatakot mula sa mga pananalita mo. Akala ko pa noon, project n’yo sa eskwelahan ‘yung pinagpupuyatan mo sa gabi, ‘yun pala, placards na ibinabandila mo sa tuwing sasama ka sa mga rallies.

          Magkahalong galit at panghihinayang ang nararamdaman ko para sa ‘yo, anak. Halos igapang kita sa hirap, mapaaral lang kita, ‘yun pala, puro rallies ang pinagkakaabalahan mo. Minsan kitang tinangkang pigilan noon....pagsabihan...pangaralan. Akala ko, ikaw pa rin ang dati-rating Juan de la Cruz na kapag kinagagalitan ko ay umuupo na lamang sa isang tabi at tatango sa bawat pangaral na aking isinusubo. Ngunit nabigo ako, nalimutan ko hindi ka nap ala batang paslit. Sinasabi mo na ngayon ang nasasaloob mo. Ipinaglalaban mo na ang alam mong tama. Isinisigaw mo na ang iyong mga karapatan. Alam ko, pagal na ang munti mong katawan sa pakikipaglaban pero hindi ka pa rin sumusuko. At ang sabi mo pa sa ‘kin noon, kamatayan lang ang makapipigil sa iyo. Hanggang kalian ka pa tatagal anak?

        Kaninang umaga, inihanda ko ang almusal mo. Gusto ko kasi, sabay tayong mag-a-almusal pero nagmamadali ka kanina. Matapos mong kunin ang pagkaing inihanda ko para sa’yo, nagpaalam ka na naming pupunta sa Camp Crame katulad kahapon at nagdaan pang mga araw. Camp Crame! Anak, alam ko kung bakit ka pupunta roon...upang maisakatuparan ang manimithi mong KALAYAAN, ‘di ba? Pinipigilan kita ngunit matigas ka! Wala pang limang minute mula nang umalis ka, pinasya kong sundan ka. Takbo, lakad ang ginawa ko. Nang makarating..hinanap kita sa karamihan.

            Nagmasid ako...nagulat sa aking nasaksihan! Pagkat lihis sa aking anaasahan, Masaya at tulung-tulong ang lahat ng tao. May mga tulad ko ring magulang ang nandoon. Punung-puno ng pag-asa ang kanilang mga mukha. Hindi sila halos makaramdam ng pagkapagod at pagkagutom. Hindi rin nila antala ang init na likha ng araw. Inilibot kong muli ang aking paningin, nakita kita..hayun ka at kasama ng mga tulad mong kabataan. Halos maiyak ako nang makita kitang nakaluhod habang taimtim kang nagdarasal. Magkakapit-kamay kayong lahat. Hindi ko alam ko, marami akong naobserbahansa iyo na ni minsan sa buhay ko ay hindi ko namalas sa iyo. Ibang-iba ka na nga, anak. Minsan ko pang narinig ang iyong sigaw..sumisigaw ka! Isang pangalan ang isinisigaw mo! Bawat sigaw ay nanunuot sa kaliit-liitang ugat ng aking laman. Kinilabutan ako ‘pagkat kaiba ang sigaw mo ngayon. Higit na malakas! Higit na mabalasik! Higit na nakapanghihikayat! Nangiligd ang luha ko sa mata nang simulan mong buksan ang pagkaing inihanda ko sa iyo kanina..ipinamahagi mo sa iyong mga kasamahan. Napag-isip-isip ko, hindi pala saying ang lahat ng pagod ko sa iyo mula nang ika’y paslit pa sapagkat pinatutunayan mo ngayon na ikaw ay may pinanghahawakan na isang magandang pundasyon upang maging matatag, matapang ngunit makataong pag-uugali, na iyong magagamit saan magtungo. Bago ako tuluyang umalis, sinulyapan kitang muli at napangiti. Hindi mo alam na nandoon pala ako sa likuran mo at nagmamasid. Oo, anak, ngumiti ako ‘ pagkat alam ko na kaunting panahon na lamang ang ipaghihintay mo...hindi na magtatagal at magtatagumpay ka na.

            At hindi nga ako nagkamali. Nakita kita kanina lang....binilugan mo ng pulang panulat ang petsang ito sa ating kalendaryo. Pebrero 25, 1986...ah nababakas ko sa’yo walang kapantay na kaligayahan.

            Alam ko, napatunayan mong isa kang tunay na Pilipino nitong mga nagdaang araw. At ako? Ako na iyong magulang ang siyang unang pumipigil sa iyo. Bakit? ‘Pagkat magkasalungat an gating panindigan! Sana ay nauunawaan mo ako. Ngayong nagtagumpay ka na, Masaya na rin ako kahit pa iba ang prinsipyo ko sa iyo.

At sana, ngayong nasa kamay na ninyo ang tagumpay, sanay gamitin ninyo ang tinatawag n’yong KALAYAAN na ipinagkaloob sa inyo sa inyo sa mabuting paraan ‘pagkat ‘ya lamang ang maipamamana naming nakatatanda sa inyo. Lagi ninyong iisiping ang kabataan ang pag-asa ng bayan kung kaya naman sana sa bawat hakbang na inyong tatahakin sa darating ang mga araw ay may liwanag nga pupulandit sa inyong daraanan.

         Oo, anak, nasubaybayan kita kung paano mo pinanindigan ang prinsipyo mo. Kung paano mo ipinaglaban ang katuwiran mo at sana nga hindi ka nagkamali sa iyong desisyon...sana ay hindi ka nagkamali sa pagpili ng ipaglalaban mo. Gayunpaman, kung sakali mang mabigo ka, wala ka pa ring dapat pagsisihan, ‘pagkat tayo ay may kanya-kanyang prinsipyo kung kaya’t dapat maggalangan.

         Kagaya nga ng nasabi ko kanina, ang  buko ay ‘di manatiling buko, ang buto ay ‘di mananatiling buto, ang bata ay di mananatiling bata..gaya ng KALAYAAN...maaring hindi ito manatili ngunit kung ating aalagaan ito at hindi aabusuhin...tutubo itong muli para sa iyo, sa akin, sa ating lahat, upang ating magamit na isang sandata sa ating mga balakin ngayon..bukas...at sa dating ng panahon.

Repleksyon:

          Ang gandang ng mendahe ng sanaysay na ito sapagkat na habag niya ang aking puso. Kung hindi mo babasahin ng buo ang akda ay bibigyan mo agad s'ya ng komento. Subalit binasa ko s'ya ng buo kaya lubhang akong natuwa sapagkat napakamakatarungan ang ginawa ng kanyang anak para sa bayan. Ang akdang ito ay tungkol sa anak na lubhang mahal niya nag bayan kaya't lahat ginagawa niya para sa kalayaan, na ang akala naman ng kanyang Ina ay sinisira ng kanyang anak ang buhay niya dahil sa kanyang pinaggagawa. Ngunit, magulang din niya ang nakapagpatunay na maganda at makatarungan ang ginagawa ng kanyang anak. Maraming mapupulot na aral at inspirasyon sa akdang ito para sa mga kabatan na tulad ko. Bilang kabataan, ang magagawa na lang natin ay bigyan natin ng pagpapahalaga ang naging sakripisyo ng mga Pilipino noon para sa kalayaan at maging pag-asa ang kabataan ng bayan.

Sanggunian

Yray. (2003).Final book sanaysay. https://www.academia.edu/33735483/Final_book_sanaysay?fbclid=IwAR2urzFWCzycZMzcdZ0VkkkJXASoHTBVHy5WncleuQ9g7JgBexucQRIUckg)

No comments:

Post a Comment

MGA HALIMBAWA NG BAWAT URI NG TALUMPATI

TALUMPATING PAMPALIBANG "Pauso" Talumpati ni Leah Enriquez             Sabi ng mga taong may-edad na, ang mga kabataan daw nga...